Ang Patuloy na Lumalagong Pananampalataya

"Sinabi ng mga apostoles sa Panginoon, Dagdagan mo ang aming pananampalataya" (Lukas 17:5). Ang mga taong bumubuo ng may katapatan kay Kristo ay nagtatanong ng isang bagay na mahalaga sa kanilang Guro. Nais nilang higit na maunawaan ang kahulugan at gawi o kaparaanan ng pananampalataya. Sinasabi nila sa pahiwatig ay ganito, " Panginoon, anong klaseng pananampalataya ang ninanais mo sa amin? Bigyan mo kami ng kapahayagan kung anong pananampalataya ang nakalulugod sa inyo. Gusto naming makamit ang buong kahulugan ng pananampalataya."

Sa ating palagay, ang kanilang kahilingan ay parang kapuri-puri. Ngunit ako’y naniniwala na ang mga alagad ay nagtanong nito kay Jesus sapagkat sila ay nalilito. Doon sa nakaraang kabanata, nagulat sila ng sabihin ni Kristong, " Siyang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami...Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? (16:10-11).

Nalalaman ni Jesus na ang makamundong kalikasan ng kanyang alagad ay gustong umiwas sa mga inaakala nilang maliliit na bagay sa pananampalataya. Kaya sinabi niya sa kanila, " Kung kayo'y naging mapagtapat sa maliit na bagay, ang paunang bagay na basehan ng pananampalataya, ikaw ay magiging matapat din sa mas nakahihigit pa. Nararapat ipakita nyo na kayo ay mapagkakatiwalaan sa mga pangunahing kailangan ng pananampalataya. Kung hindi, paano ka mapagkakatiwalaan ng nakahihigit pa?"

Kung tayo ay magtatapat, ay aaminin natin na tayo ay katulad din ng mga alagad ni Jesus. Gusto rin nating makamit kaagad ang matinding pananampalataya, na mapasaatin ang pananampalatayang nakapaguutos sa kabundukan. Tayo, katulad ng alagad ni Kristo, kalimitan ay sinusukat natin ang pananampalataya ayon sa ating nakikita.

Pagbulay-bulayan natin ang mga taong alam natin na magiting ang antas ng pananampalataya. Karamihan ang taong ganito ay maramimg naisagawang bagay para sa kaharian ng Diyos: programa sa pagpapakain, ministeryo para sa mahirap at nangangailangan, malalaking simbahan, Kolehyo para sa Pag-aaral ng Bibliya, pagpapadala ng misyonero at mga paghayo.

Tingnan natin si George Muller, ang taong nagtatag ng bahay ampunan sa Englatiyera at nagbigay tulong sa China Inland Missions. Si Muller ay hindi nanghingi ng perang kaniyang kailangan kanino man. Sa halip ay ipinanalangin niya ang bawat sentimo para sa ganitong maka-Diyos na gawain, malaking pera na kalimitan ay dumarating sa mga huling sandali. Maraming mga Kristiyano ngayon ang kumikilala sa kaniya na taong huwaran ng pananampalataya.

Tingnan din natin si Rees Howells, ang taong tinawag na " The Intercessor." Ang kasaysayan ni Howells ay punong-puno ng mga naganap na mahiwagang katugunan sa kanyang pakikipagbuno sa panalangin. Ang taong ito ay bumili ng mga lupain upang magamit sa kaharian ng Diyos, lahat ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Katulad ni Muller, ipinanalangin ni Howells ang bawat sentimo " hanggang sa huling sandali." Marami ang nagsasabi na ang magigiting na bagay na kanyang ginawa ay isa na namang pakahulugan kung paano ang manampalataya.

Karamihan ng bumibisita sa Times Square Church ay ganito ang nararamdaman sa pagkilos ng Diyos dito. Humahanga sila sa napakagandang mga gusali na ibinigay ng Panginoon, na pumapalibot sa kabuuan ng Broadway, at ang lahat ay di inutang. Nakita nila ang "Sarah House Program" para sa kababaihan, ang ating "Raven Truck" na humahayo upang magpakain, at iba pang gawaing ukol sa pananampalataya. At sinasabi nila, " Na ang mga Pinuno ninyo ay mga taong may magiting na pananampalataya. Tingnan ninyo ang kagila-gilalas na katugunan nito."

Ang ating ministeryo kamakailan ay nakatanggap ng sulat mula sa isang binatang preso na ngayon ay isa ng Kristiyano at isa sa mga pinadadalahan natin ng sulat. Narinig niya ako sa isang tape na nangangaral ng ganito, " Darating ang araw na akoy magpapakulong upang mangaral laban sa pakikiapid sa kapuwa lalaki o babae." Sinisiguro ng binatang ito na kung mangyayari ito, ang koreksyonal sa buong bansa ay babahain ng sulat mula sa lahat ng Kristiyanong preso upang ipaglaban na palayain ako. Sinasabi niya na kilala ako ng kanyang mga kasamahan sa kulungan na isang taong magiting ang pananampalataya, sapagkat ako ang nagtatag ng "Teen Challenge program" para makawala sa mga bawal na gamot at iba pang ministeryo na tumutulong sa mga problemadong taong katulad niya. Kaya nga, sabi niya, "Mas kailangan ka sa labas ng kulungan."

Salamat sa Diyos sa "Teen Challenge at sa lahat ng paghayo nito: sa bukid, sa rantso, sa tahanan ng pagkalinga, aralan ng Bibliya. At akoy nagpapasalamat sa iba pang maka-Diyos na ministeryo na itinatag ng Panginoon at biyaya sa mundong ito. Subalit sinasabi ko sa inyo, wala sa ganito kalaki at karangyang adhikain ang nagpapakitang kahulugan ng pananampalataya ayon sa Diyos. Totoo, walang adhikain, gaano man kalaki, ay may halaga sa Panginoon kung ang maliit na nakukubling bagay ng pananampalataya ay di naipatutupad.

Ang matatalino at maparaang mga tao ay makagagawa ng ganitong adhikain ng wala ang Diyos. Si Sun Myung Moon at ang kanyang mga mananampalataya ay bumili ng milyun-milyong halagang mga gusali, nagtatag ng mga naglalakihang pagkakawanggawa, at bumili pa ng sambayanang pambalitaan. Subalit hindi sinusukat ng Diyos ang pananampalataya ayon sa mga bagay na ito.

Ang tunay na pananampalataya, sa paningin ng Diyos, ay hindi nasusukat sa laki o bigat ng gawain na nais mong maipatupad. Subalit, ito ay naayon sa hangarin at panuntunan ng iyong buhay. Makikita nyo, na ang Diyos ay hindi tumitingin sa magiting mong pananaw kundi sa kung ano ang nangyayari sa iyong pagkatao.

Naniniwala ka bang binigyan ka ng kabigatan ng Panginoon sa iyong panaginip na nangangailangan ng himala upang magawa ito? Sinusubukan ka bang lumakad sa isang landas na nangangailangan ng di mawaring pananampalataya? Gusto mo bang gumawa ang Diyos ng kababalaghan sa inyong tahanan - sa katawan, pangkayamanan o sa espirituwal?

"Kung hindi kayo naging mapagtapat sa nauukol sa kayamanan ng ibang tao, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili?"(Lukas 6:12). Sinasabi ni Jesus, sa madaling salita ay ganito, "Nais ninyo ng kapahayagan, kaparaanan upang makagawa kayo ng nakahihigit na bagay. Ngunit paano kayo mapagkakatiwalaan ng gayong klaseng pananampalataya, kung kayo ay di mapagkatiwalaan sa mga bagay na ipinagkatiwala sa inyo ng iba?"

Sa mga sinabing ito ni Jesus, marahil ay napakamot ng ulo ang kanyang mga alagad. Nalalaman ng kanilang guro na wala silang kabuhayan, humigit kumulang na may ibinigay ang ibang tao sa kanila. Iniwan nila ang lahat upang maging kaniyang alagad. At sila'y sumusunod sa kaniya sa abot ng kanilang makakaya. Ang kaniyang mga salita dito ay para bang hindi nauukol sa kanila.

Ngunit ang katanungan ay ito, ano ang ibig sabihin ni Jesus noong sabihin niyang, "yaong sa ibang tao"(16:12)? Ang sinasabi niya ay tungkol sa ating katawan at kaluluwa, na tinubos ng kanyang dugo. " Kayo ay binili sa halaga: dahil dito ay luwalhatiin ninyo ang Diyos sa inyong katawan at inyong espiritu, na pagaari ng Diyos" (1Corinto 6:20).

Sinasabi ni Jesus sa atin, "Hindi na pagaari ninyo ang inyong mga katawan. At kung hindi ninyo pangangalagaan ang inyong mga katawan - kung hindi ninyo ako hahayaang suriin ang kalooban ninyo, tuusin ang kasalanan at pakabanalin kayo - paano kayo makakaasa sa akin na ipagkatiwala ko ang isang mahigit na bagay? Una, balikan ninyo at tingnan ang inyong ginawa sa mga bagay na akin na ngang ipinagkatiwala sa inyo."

Ngayon, ang mga alagad nga'y humiling ng paglago sa pananampalataya, na mayroon ng nakahandang kasagutan si Jesus. "Kung magkakaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil na binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, mabunot ka at matanim ka sa dagat; at kayoy tatalimahin" (Lukas 17:6). Minsan pa ay ipinakita ng Panginoon ang kahalagahan ng mga munting bagay ng pananampalataya, na ang halimbawa ay isang butil na binhi ng mustasa.

Ang talatang tungkol sa pagkilos ng puno ng sikomoro ay nagbibigay lagi ng pagtataka sa akin. Habang binabasa natin ito, sumasaisip natin na may isang taong may magiting na pananampalataya na nakatayo sa tabi ng puno at nag utos na, "Humayo ka, mabunot ka at ikaw ay matanim sa dagat at tumubo ka doon." Nakikita natin na ang puno ay nabunot, umangat sa lupa at lumutang patungo sa dagat hanggang lumubog ito sa alon.

Ano kaya ang ipinahihiwatig ni Jesus sa ganitong paglalarawan? Ang puno ng sikomoro ay hindi puwedeng itanim sa dagat at mabuhay: ito ay kaagad mamatay. At isa pa, ang ating Diyos ay hindi nagpapahanga. Hindi siya gumagawa o nagpapahiwatig ng mga bagay upang magpakitang gilas. Ngunit nalalaman natin na ang bawat salita na sinabi ni Jesus ay upang tayo ay turuan. O, ano kaya ang pakahulugan dito?

Masasabi mong "ang talatang ito ay nagpapakahulugan na ang ating Panginoon ay Diyos ng mga imposible." Tutol ako. Kahit sa panahon ni Jesus, posibleng may ilang taong maaring makabunot ng isang puno, dalahin ito sa dagat at itanim ito dito. Ngayon, ang gawaing ito ay mas madali, sa pamamagitan ng makabagong makinaryang kayang bumunot ng punong-kahoy sa loob ng ilang sandali. Nasaan ang pananampalatayang kailangan diyan?

Akoy naniwala na ang mga salaysay na ito ay patungkol sa pagtanggal ng ugat sa ating puso. Ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa ugat ng kasamaan, mga nakatagong bagay na dapat nating tuusin bilang isa sa kanyang mga alagad. Aniya'y, "bago kayo manampalataya sa Diyos na pakilusin ang bundok, kailangang tanggalin nyo muna ang ugat. At hindi nyo kailangan ang magiting na pananampalataya ng isang apostol upang gawin ito. Ang kailangan mo lang ay napakaliit na pananampalataya. Humihiling ako na gawin nyo ang isang simpleng bagay: ang bunutin ang mga ugat ng inyong kasalanan. Nais kong suriin ninyo ang inyong puso at tanggalin ang lahat na di nahahalintulad sa akin."

Hindi na basta lang tayo magiisip ng gawain sa pangalan ng Diyos kung nalulong tayo sa ugat ng ating kasalanan. At ang hamon sa pagbunot nito ay hindi lamang sa mga pastor, guro, o evangelista. Ito ang gawain ng bawat Kristiyano. Ngayon, tanungin ninyo ang inyong sarili: Ano ang ugat ng kasalanan na nakabaon sa kailaliman ng inyong katawan at espritu? Ito ba ay kahalayan, pagkasakim, mapanaghili, kapaitan, takot na itakuwil, pagkamahiyain, pakiramdam mo'y wala kang kakwenta-kwenta?

Pinagsabihan tayo ni Jesus, "Kung ang mata mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay dukutin mo"(Markos 9:47). Tunay ngang ang kahulugan ng utos na ito ay pang-espirituwal. Nalalaman natin na hindi talagang mata natin ang sanhi ng pagkakasala, kundi ang masamang pita ng mata ng ating puso. Ngunit paano natin matatanggal ang isang bagay na nag-ugat na ng malalim sa ating kalooban sa tagal ng panahon? Ang ganitong mga kuta ay nangangailangan ng pananampalataya para mabunot.

Talaga ngang ito ang pinakahulugan ni Jesus patungkol sa binhi ng butil ng mustasa. Sinasabi niya sa atin na sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubunot natin ang ano mang ugat ng kasalanan sa ating buhay - kahit na yaong maraming taon ng tinutuos ng Diyos sa atin.

Ito ang dahilan kung bakit ako ay sumulat ng bagong aklat, The New Covenant Unveiled. May panahon na hindi ako makapagpatuloy, nagtataka kung sa paanong paraan matatanggal natin ang ating kasalanan. Pinagbulaybulayan ko ang suliraning ito habang ako ay nakabakasyon, habang naglalakad ako sa dalampasigan. Sa pakiramdam koy sinasabi ng Banal na Espiritu, "David, tumingala ka at tingnan mo ang hanay ng bituing Big Dipper. Sa iyong kalakasan, ang kakayahan mong tanggalin ang kasalanan sa iyong puso ay kapantay ng kakayahan mo upang talunin ang bawat bituin sa hanay na ito."

Ipinakikita sa atin ng Bagong Tipan na may kakayahan tayong bunutin kahit ang pinakamalalim na ugat ng kasalanan, ngunit sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala sa Banal na Espiritu. Sa isang butil ng pananampalataya, tayo'y nakapananalangin ng, "Amang banal, ipinangako mo sa iyong tipan na igugupo mo ang aking mga kasalanan. Ngayon, nalalaman mo ang lahat tungkol sa bawat kasalanan ko. Matagal mo na itong tinutuos sa akin. Ngayon ay aking hinihiling lutasin mo ito. Kinamumuhian ko ito, at nais kung matanggal na ito. Ako ay sumasampalataya na gagawin mo ito para sa akin, Panginoon."

Sinasabi ni Jesus na kung maninindigan tayo sa tipan ng mga pangako ng Diyos ng may pananampalataya, ang mga ugat na ito mawawala: "itoy tatalima sa inyo"(Lukas 17:6). Sa puntong ito, tatanggalin ng Banal na Espiritu ang masasamang ugat at ihahasik ito sa dagat ng pagkalimot, magpa-kailanman ay di na babagabag sa atin.

Ang lahat ng maka-Diyos na manggagawa na ipinalalagay nating mga taong may magiting na pananampalataya - George Muller, Rees Howells at iba pa - ay nagumpisa sa ganito kaliit na gawain. Bago sila magumpisa na gumawa at magpakitang gilas sa kaharian, hinayan nilang tanggalin ng Diyos ang bawat ugat sa kanilang buhay. Isang maliit na pagsasanay ng pananampalataya ang ginawa nila, hiniling sa Banal na Espiritu na ihayag ang lahat ng masasamang bagay sa kanila. At matapat ang Banal na Espiritu na bunutin ang kanilang kasalanan, tanggalin sa kanila ang lahat na ayon sa pita ng laman.

Sa katagalan, nalaman ng mga taong ito na sila ay walang magagawa, hindi nila magawang tanggalin ang kahit na pinakasimpleng kasalanan sa sarili nilang kalakasan. Subalit sa kanilang pagsunod sa utos ni Jesus na bunutin ang ugat sa pamamagitan ng pananampalataya sa gawain ng Banal na Espiritu, ang kapahayagan ay dumating at lumago ang kanilang pangunawa kung ano ang pananampalataya.

Kung hinahayan nating manatili ang masamang ugat sa atin kahit ito'y ating nalalaman, pinawawalang bisa natin ang lahat ng sandatang espirituwal laban sa diyablo. Una, hindi natin magamit ang ating espada. Pagkatapos nahubaran tayo ng lahat ng ating pananggalang. Ang katapus-tapusan, ay nawala sa ating kalooban ang lumaban. Sabihin nyo sa akin, kung paano natin mapapabagsak ang kuta kung wala na tayong natitirang sandata? "Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikipaglaban ay hindi ukol sa laman, kundi sa harapan ng Diyos ay may kapangyarihang gumiba ng mga kuta" (2 Corinto 10:4 ).

Nakita natin ang nakakakilabot na halimbawa nito sa 1Samuel 13. Sa nakaraang kabanata, si Saul at ang 300,000 niyang hukbong Israelitas, ay madaling ginupo ang mga Ammonitas sa Jabesh-Gilead. Napakataas ang kumpiyansa ng Israel dahil sa kanilang pagwawagi. Ngunit nagbabalang ganito ang Diyos sa kanila: "Kung hindi nyo didinggin ang tinig ng Panginoon, kundi maghihimagsik kayo laban sa kanyang utos....ay magiging laban nga sa inyo ang kamay ng Panginoon gaya sa inyong mga magulang" ( 1Samuel 12:15).

Ngayon, sa ika-13 kabanata, nasumpungan natin si Saul at ang kanyang mga tauhan na lumalakad ng may di pagsunod. Nagumpisa ito ng si Saul ay mag-alay ng ipinagbabawal na hain. Ang mga tao'y umayon sa kaniya at nagsabing, "kung sino man ang magsabing hindi karapat-dapat si Saul ang ating maging hari ay dapat patayin."

Nang ang maka-Diyos na propetang si Samuel ay dumating sa ganitong tanawin, ay sinabi niya ang nakakikilabot na salitang ito kay Saul: "Gumawa ka ng kamangmangan: hindi mo ginanap ang utos ng Panginoon mong Diyos na iniutos niya sa iyo: sapagkat itinatag na sana ng Panginoon ang iyong kaharian sa Israel magpakailan man" (13:13).

Kagad-agad nakita natin ang bunga ng hindi pagsunod ng mga Israelita. Pagkatapos lamang ng apat na talata ay mababasa natin na, "may tatlong pulutong na lumabas sa kuta ng Filisteo"(13:17). Ang tatlong pulutong ay humiwalay sa pinaka-grupo ng Filisteo at kumalat sa buong Israel at lumusob sa mga bayan nito. Ang mga lumusob na ito ay may kalayaang nanamsam, pati na ang mga sandata ng Israel.

Bakit ang bayan ng Diyos ay hindi makatayo laban sa mga lumusob sa kanila? Bago ang lahat sila ay may napakaraming sandata ( pati na ang galing sa mga Ammonitas, na kanilang nakuha sa pakikipagdigma ). Ang malungkot na katotohanan ay ang mga Israelita ay wala ng espiritu pa upang lumaban, dahil sa kanilang kasalanan. Nang makita nilang dumarating ang kanilang kaaway, sila ay nagtakbuhan sa takot.

Walang naiwan sa Israel kundi tinidor, araro at iba pang kasangkapang pambukid. Ngunit ang mga ito ay hindi nila magawang sandata sapagkat wala silang natitirang panday: "Walang matatagpuang panday sa buong lupain ng Israel: sapagkat ayon sa Filisteo, baka ang mga Hebreo ay gumawa ng mga espada at sibat" (13:19).

Ang sinasabi ng Diyos sa talatang ito ay maliwanag: Kung magpapatuloy kayo sa pagsuway sa akin, hindi na ako makakasama nyo sa inyong paglalakad. Sa pakiwari ba ay ginagawa nyo ang aking gawain. Ngunit hindi na ako sasainyo maging ang aking biyaya at kapangyarihan."

Ang pananampalataya unang-una ay tungkol sa pagtalima, tungkol sa pagkamit ng kapangyarihan upang tumalima sa salita ng Diyos. At nalalaman ito ni Satanas. Dahil dito ay nais niyang tangkilikin nyo ang kahuli-hulihan pang ugat (ng kasalanan ) sa inyong kaluluwa. Nalalaman niyang mahuhubaran kayo ng pananggalang ( sa kanya), mananakaw ang inyong sandata, at pananabangan ang inyong espiritu upang lumaban.

Nakikita ko itong nangyayari sa mga ministro at manggagawang Kristiyano sa buong mundo. Lahat ng kailangang kasangkapan upang gumawa ng kabutihan ay nasa kanila. At habang tinitingnan nila ang linang na kanilang pinagpapagalan, binabati nila ang kanilang mga sarili sa napakalaking ani at sa nag-uumapaw na kulungan ng tupa. Subalit sa kabila ng lahat, sila ay nanganganib. Mayroong mga mananamsam sa kanilang puso, umaatakeng kasalanan na ayaw nilang harapin. At sila ay pinagnanakawan nito, inaagaaw ang kalooban nila upang lumaban. Sa bandang huli, kapag lumusob si Satanas sa kanilang buhay, sila ay sumusukong hindi man lamang lumalaban. Talagang wala lang silang panangga laban sa kaniya.

Kagaya ni Saul, ang lahat ng mananampalataya na may malalaim na mga ugat ng kasalanan ay nauuwi sa pagkalito, nagdadalawang-isip at natatakot. Sinasabi ng kasulatan sa mga gaya nito ay, " Ang masama ay tumatakas ng walang humahabol: ngunit ang matuwid ay matapang na parang leon" ( Kawikaan 28:1 ). Maaring sinasabi ng taong gaya nito sa kanilang sarili, " Ako ay mayroon pang dalawang sandata: panalangin at pananampalataya sa salita ng Diyos." Nakapanlulumo, sila'y wala(ng sandata). Sabi ni David, Kung pinakundangan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon" ( Mga Awit 66:18 ).

Kailangan lang nating sabihin sa ating ugat ng kasamaan, "mabunot ka." At dapat tayo'y manampalataya na sila'y natanggal, ayon sa pangakong tipan ng Diyos. Pagkatapos lamang nito manunumbalik ang nakikibakang espiritu. Maihahagay na naman natin ang may dalawang talim na espada ng Diyos. At makikita nating mabilis ang sagot sa ating mga panalangin. Sa wakas, tayo ay mapupuspos ng katapangan at kaligayahan, na siyang dahilan upang lumayas ang demonyo.

Sinagot ni Jesus ang kahilingan ng kanyang mga alagad sa isa pang paraan. Sinabi niya sa kanila:

"Sino sa inyo ang may isang alipin na nagaararo o nagpapakain ng tupa, na pagkabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka kaagad at maupo ka sa dulang ng pagkain? At hindi sasabihin sa kanya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako hanggang sa akoy makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom?...Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo'y inutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami: ginagawa lang namin ang katungkulan naming gawin." (Lukas 17:7-8, 10).

Maliwanag, ang sinasabi ni Kristo ay ukol sa atin, kanyang alipin, at ang Diyos, ang ating guro. Sa madaling salita, sinasabi niya sa atin na hainan natin ang Diyos. Siguro magtataka kayo, "Anong uri ng pagkain ang dapat nating dalhin sa Panginoon? Ano ang makakapagpamatid sa kanyang pagkagutom?"

Sinasabi sa atin ng Bibliya, "Kung walang pananampalataya ay hindi maaring maging kalugudlugod sa kaniya" (Hebrews 11:6 ). Kung baga'y, ang pinakamasarap na hain sa Diyos ay pananampalataya. Ito ang pagkain na kinalulugdan niya.

Makikita nating inilalarawan ito sa kabuuan ng Kasulatan. Nang kausapin ng kapitan si Jesus upang pagalingin ang alipin niyang may sakit sa pamamagitan lamang ng kaniyang salita, nagpipista si Kristo sa magiting na pananampalataya ng taong ito, Sumagot siya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi pa ako nakatagpo ng ganito kagiting na pananampalataya, hindi, hindi dito sa Israel" (Mateo 8:10). Ang sinasabi ni Jesus, "narito ang isang Hentil, tagalabas, na nagpapakain sa aking espiritu. Ang pananampalataya ng taong ito ay napakasustansyang pagkain na ibinibigay sa akin."

Gayundin, ang Hebreo 11 ay naghahain ng malaking salu-salo para sa Panginoon. Ang tanyag na kabanatang ito ay nagpapahayag ng pananampalataya ng pinakamamahal na mandirigma ng Diyos sa lukob ng kasaysayan.

Sumunod, napansin ko sa salita ni Jesus ang isang garapal na kataga: "Hindi ikaw ang unang kakain. Ako muna." Sa madaling salita, hindi dapat na ubusing gamitin ang ating pananampalataya sa ating mga pinagkakaabalahan at pangangailangan. Dapat ang ating pananampalataya ay nauukol na pamatid gutom sa Panginoon. "Ipaghanda mo ako ng mahahapunan...at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom: at saka ka kumain" ( Lukas 17:8 ).

Gaano kadalas ang ating pananampalataya ay nauubos nating gamitin sa ating sariling kapakanan at hindi ang sa Diyos? Ilan sa mga panalangin natin ang ganito, "Panginoon, ako'y matapat na naglilingkod sa iyong sakahan, nagaararo para sa iyo. At ngayon ay kailangan ko ito o iyon sa iyo, upang maipagpatuloy ko ang aking gawain."

Sa pagdaan ng mga taon, maraming pastor ang nagpunta sa aking opisina upang akoy dalawin. Ang karamihan ay pumapasok na walang dalang Bibliya kundi isang malaking plano. Ang mga taong ito ay nalululong sa napakalaking pangitain, ngunit hindi man lang masambit nila ang tungkol kay Jesus. Ang iniisip lamang nila ay ang kanilang pangarap: gusali ng simbahan, palatuntunan sa pagpapakain, isang ministeryong paghayo.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa hatid-ng-langit na panaginip at mga ninanais. Karamihang ministeryong nagtatanghal sa Diyos na nagpapatuloy ngayon ay mga pangitain na nangyari, naganap sa pamamagitan ng kabigatang galing sa Diyos. Ngunit maraming mananampalatayang may kabigatan ay hindi nakauunawa na bago mangyayari ang isang panaginip, ay maraming taon ang ginugugol ng Diyos sa paghuhubad, paglalantad, pagbabali. Tanging itoy kanyang kaparaanan.

Sinasabi ni Jesus sa atin, "Gusto kong pakainin mo ako, na bigyan mo ako ng kalayaan upang hubugin ka at baguhin ka ayon sa aking anyo. Dalahin mo sa akin ang iyong pananampalataya. Aking ipamamalas sa iyo ang tunay na pangitain."

Si Jesus ay nagpatuloy, "Nagpasalamat ba (ang Panginoon) sa kanyang alipin sapagkat ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kanya? Sa palagay ko hindi. Kayo rin, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng bagay na iniutos sa inyo, sabihin nyo, Kami ay walang pakinabang na alipin: Ginawa lang namin ang aming mga katungkulan" (Lukas 17:9-10).

Ang ibig sabihin ng salitang walang pakinabang dito ay pagtanaw ng utang na loob - wala kang napala(ng utang na loob) sa pamamagitan ng gawa o para sa sarili. Sinasabi ni Jesus, "Pagkatapos matuos ang ugat ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nyo dapat sabihing, 'Nagampanan ko ito. Nasa akin ang tagumpay.' Hindi dapat, ang kagandahang loob lamang ng Ama ang nagpalaya sa iyo."

Karamihan sa mga tao ay nagiging mayabang kapag sila ay nagwagi laban sa kasalanan. Iniisip nilang naituwid ko ang aking buhay . Dapat magpasalamat sa akin ang Diyos sapagkat mayroon siyang isang malinis na sisidlan sa katauhan ko."

Ngunit ang tugon ni Jesus, " Hindi, ang katotohanan ay ito, nagsisimula ka pa lamang gumawa ng iyong katungkulan. Noong araw na ikaw ay maligtas, inutusan na kitang talikdan mo ang iyong kasalanan. Bakit ka pa naghintay ng lima, sampu, dalawampung taon upang sumunod sa akin? Wala kang karapatang angkinin na itoy ayon sa iyong sariling sikap."

May kilala akong isang kapatid na Kristiyano na iniwan ng kanyang asawa upang sumama sa ibang lalaki. Sa panahon ng kanyang kabigatan, siya ay nanatiling dalisay sa kanyang pagkatao. Pagkatapos, angkin niya, "pinagyaman ko ang aking paging-matuwid. Binayaran ko ang halaga nito." Hindi magpakailan man. Gaano man kasakit o kahirap ang mga pagsusubok, sa pamamagitan ng ating pagtalima ay hindi tayo magiging matuwid. Ito lamang ay atin talagang katungkulan.

Datapuwat, kahit ang ating pinakasimpleng pagtalima ay pagkain sa ating Panginoon, sapagkat ito ay ayon sa pananampaltaya. Ito ay isang kapistahan na naging dahilan ng kanyang pagdiriwang, sinasabi niyang, pinakakain mo ako, tinitibhawan mo ang aking pagkagutom."

Nagawa mo na bang maging matapat sa Diyos, umamin ka na bang winawasak ang buhay mo dahil sa ugat (ng kasalanan)? Ikaw ba ay talagang nagtitika, iginugupo mo ang iyong kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya mo sa mga pangakong tipan? Sa ganito lamang ikaw madadala ng Panginoon sa tagumpay.

Sa buong buhay ko ay nakatagpo ko ang dalawang pinuno ng kulto na may napakalaking taga subaybay. ( Kahit ngayon ay nagpapatuloy pa ang kultong ito.) Ang mga taong ito ay may malawak na pananaw , puspos na mapang-akit, matapang at mapagmalasakit. Sila'y mga evangelistang walang kapaguran, at silay tumutulong sa mga mahihirap at nangangailangan. Nagpagawa sila ng mga Aralan ng Bibliya at mga tirahang pang-sambahayan at nagsugo ng mga misyonero sa buong mundo. Ang mga matapat nilang mga alagad ay iniwan ang lahat upang maglingkod na kasama nila.

Ngunit ang mga taong ito na pinagkalooban ng malaking biyaya ay may malalim na ugat ng kahalayan. Sapagkat tumanggi silang tuusin ang ugat na ito, bawat isa ay nabulid sa isang nakaririmarim na pagkagahaman sa pakikipagtalik

Ang isa sa kanila ay naglalakbay sa isang bus na may ipinasadyang kagamitan. Minsan ay inimbitahan niya ako at pagkapasok ko pa lang ay naramdaman ko na ang napakabigat na pagatake ng demonyo. Sa bandang huli ay nahayag ang karumaldumal na imoralidad ng ministrong ito.

Ang isa namang pinuno ng kulto ay isang makapangyarihang mangangaral na may maliwanag na tawag upang magpahayag ng evanghelyo. Siya rin ay may katangiang magsanay ng alagad, na umakit sa daan-daang kabataan na maglingkod at humayo. Dagdag pa, ang ministrong ito ay matapat na asawa at may pamilya.

Ngunit siya ay nalululong sa porno. At sapagkat ayaw niyang tuussin ang kanyang kasalanan, ito ay lumala, na nagbunsod sa kanilang samahan sa isang malaswang pagtatalik. Gumawa siya ng alituntunin na ang bawat babaeng ikinasal, na sa unang gabi ay dapat makipagtalik sa kanya. Pagkatapos ang ginawa niya sa iba ay maging isang patutot, na isinusugo niya sa tinatawag na "love evangelism."

Ang mga huling araw ng minsang-pinahiran na taong ito ay ginugol niya na palakad-lakad sa kanyang trailer na tahanan na katulad ng isang nakakulong na leon. Ang malalalim niyang ugat (ng kasalanan) na ito ang naging dahilan upang siya ay maiging isang napakasamang taong baliw.

Ang dalawang taong ito ay parehas na ibig pakilusin ang bundok. Nangaral sila at nagturo ng pananampalataya. At daan-daan ang nahipo sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod. Subalit sinasabi ko sa inyo, walang kabahagi ang Diyos sa kanilang mga gawain. Bakit? Ang kanilang katapangan ay ayon sa laman, dahil ayaw nilang bunutin ang kanilang kasalanan. Ang kinahinatnan ng kanilang magiting na gawain ay nagtapos sa walang pakundangang pagkawasak.

Ito ang sinabi ni Jesus sa mga ganitong tao, "Marami ang lalapit sa akin at magsasabi, Nagpagaling kami ng may mga may sakit, nagpalayas ng diyablo, nakagawa ng maraming magiting na gawain. Ngunit sasabihin niya, Lumayas kayo sa harapan ko, kayong gumagawa ng pagsasalansang. Hindi ko kayo nakikilala" ( tingnan sa Mateo 7:22-23).

Nangungusap ba sa iyo si Jesus tungkol sa iyong ugat (ng kasalanan)? Kung sa gayon, pakinggan mo ang tinig niya, gaano man kabigat ang halaga. "Hinihimok ka niya, Talikdan mo muna ngayon ang iyong paghayo. Sandali mong iisangtabi ang iyong mga pangarap at pangitain. Ipinagkakatiwala ko sa iyo ang isang butil ng pananampalataya. At ang nais ko ay maging matapat ka sa isang maliit na bagay na ito. Lumapit ka na sa akin ngayon, at hilingin mo sa akin na bunutin ko ang iyong kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya. Pagkatapos ay pakainin mo ako sa pamamagitan ng iyong pagsunod. Gawin mo ito at makikita mong mangyayari ang aking banal na pangitain sa iyong buhay."

Tagalog