Ibinaling Ang Kagandahang-loob Ng Diyos
Sa kanyang sulat sa Iglesya, Si Judas ay nagbigay ng isang matinding babala. Sinulat niya, "Sa mga itinangi o pinaging-banal ng Diyos Ama, at iniingatang para kay Jesu-Cristo, at tinawag...napagwari kong kailangang sumulat ako sa inyo at himukin kayo na masikap ninyong ipaglaban ang pananampalatayang noong una pa'y ibinigay sa mga banal. Sapagkat may ilang taong nagsipasok ng lihim...taong masasama, na ibinaling sa kahalayan ang kagandahang-loob ng ating Diyos, at itinatatuwa ang ating iisang Panginoong Diyos, at ang ating Panginoong Jesus" (Judas 1-4).
Nagbibigay ng paunang babala si Judas na may mga huwad na pastol na magpapanggap sa tahanan ng Diyos na sa kanilang isipan ay may isang layunin: upang ibaling sa kahalayan ang kagandahang-loob ng Diyos. Sinasabi niyang , "Si Satanas ay nagpapadala ng isang huwad na katuruan upang makapagbigay ng puwang sa kaniya sa iglesya. At ito ay darating sa pamamagitan ng mga mangangaral, mga guro, at mga evangelista. Ipangangaral nila ang kagandahang-loob ng Diyos at may paglalalang na pilipitin ito, gawing kalikuan ito, hanggang sa ito ay magbunga ng kahalayan sa bayan ng Diyos."
Upang lubos na maunawaan ang kahalagahan ng babala ni Judas, kailangan nating maunawaan ang kahulugan ng kahalayan. Ang salitang ito ay kumakatawan ng bawat hibla ng kasalanan na pumapasok sa isipan. Ang kahulugang literal ng salitang kahalayan ay "kulang sa tamang disiplina, walang pakundangan sa tinatanggap na batayan ng tamang pamumuhay."Ang salitang ito ay nagmula sa salitang Latin na ang kahulugan ay pinawalan, nakawalang damdamin at panunukso. Ipinamamalas nito ay kamunduhan, kasamaan, pagbabalewala sa lahat ng bagay na makapag-pipigil (sa sarili). Ito ay nagpapatungkol sa lahat ng karumihan, walang dangal, mahalay at kabastusan.
Tinawag ni Jesus ang kahalayan na kasalanang nasa puso, "Ang lumalabas mula sa tao, yaon ang nagpaparumi sa tao. Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng mga tao , lumalabas ang masamang pag- iisip, ang mga pangangalunya, pakikiapid, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pagnanakaw, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan"(Marcos 7:20-22).
Katulad ni Judas, ipinahayag din ni apostol Pablo ang kahalayan na nagaganap sa iglesya. Sumulat siya sa mga taga-Corinto ng mga tumitimong kataga, "akoy nangangamba, na kung ako ay dumating, ay hindi ko kayo madatnan ayon sa aking inaasahan...at ako'y mananambitan sa inyo (maglulumbay sapagkat) marami ang sa inyo'y nangagkasala na, at hindi pinagsisiha’t tinalikdan ang mga karumihan at pakikiapid at kahalayan na ginawa nila"(2Corinto 12:20-21).
Dito rin sa mga pahayag na ito ni Pablo ay tinawag niyang "aking mga minamahal" ang mga taga-Corinto. Tunay nga na ang mga taong ito ay mga anak ni Pablo sa Panginoon. At lubus-lubusan ang pagpapala ng Diyos sa kanila. Sila nga ay sinubaybayan mismo ni Pablo, ni Timoteo, ni Tito at iba pang maka-Diyos na ministro. At pinaalalahanan sila ni Pablo ng ganito, "Ginagawa namin ang lahat ng bagay...para sa ikatitibay ninyo." (12:19)/P>
Habang binabasa natin ang dalawang sulat ni Pablo sa iglesyang ito, matutunghayan natin ang katuruang punung-puno ng kapangyarihan na ipinahayag sa kanila. Sumulat siya tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, sa pagbabalik ng Panginoon, sa hukuman ni Cristo, kamatayan sa kasalanan, pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, langit, impiyerno. May katapatang binalaan ni Pablo ang bayang ito, hinimok niya, pinakiusapan sila. Hindi mo na itatanong pa, na walang lupon ng mananampalataya ang kinalinga ng may pagmamahal, na inalayan ng mapagpatunay na katotohanan, at lubos na pinatibay sa magandang balitang kagandahang-loob (ng Diyos).
Bukod dito, lubus-lubusan ang biyaya ng mga taga-Corinto sa mga ipinangangaral ni Pablo. Naranasan nila ang makapangyarihang pagkilos at gawain ng Banal na Espiritu sa kanilang kalagitnaan. At pinagkalooban sila ng kaloob na ayon sa Banal na Espiritu, katulad ng pagpapagaling, pagpapahayag ng salita ng Diyos, ibang wika, magpaliwanag ng wika, mga banal na kapahayagan. Ang iglesyang ito'y buhay na buhay, nagpapahayag ng salita ng Diyos, nagaalab na katawan (ni Kristo).
Datapuwat, kagila-gilalas, ang ilan sa mga biniyayaang mananampalatayang ito ay patuloy na namumuhay ng may kapalaluan. Pinagbintangan ni Pablo "ang marami" sa kanila na namumuhay ng may kahalayan (12:21). Sumulat siyang, " Ito na ang ikatlong ulit kong pupunta sa inyo...Sinabi ko sa inyo noon...ngayon ay sumulat ako sa nagpapatuloy sa pagkakasala simula pa noong una...na kung ako ay babalik ulit, hindi na ako magpapatawad..Dahil dito'y sinulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala pa sa inyong harapan, upang kung ako'y nasa inyong harapan ay hindi na ako gagamit ng kabagsikan, ayon sa kapamahalaang ibinibigay sa akin ng Panginoon sa ikatitibay, at hindi sa ikagigiba.
Hindi nagpaligoy-ligoy si Pablo sa kanyang mga salita. Sinasabi niyang, "Dalawang beses ko na kayong binalaan hinggil sa kasalanan sa inyong kapulungan. Kayong lahat ay napailalim sa maka-Diyos, mapang-udyok na pangangaral. Kayong lahat ay naging kabahagi ng kaloob ng Diyos na kagandahang-loob. Ngunit may ilan sa inyo ang pumipilipit sa kagandahang-loob na ito sa pagpapatuloy niyang mamuhay sa karumihan. Ipinaaala-ala ko sa inyo, ang kaloob sa akin ay sa ikatitibay ninyo, hindi sa ikagigiba ninyo. Tinawag ako upang patibayin kayo sa napakahalaga n’yong pananampalataya. Subalit sa maikatlong ulit na pagbabalik ko sa inyo, ay baka wala na akong mapagpilian kundi ang maging marahas sa pagtutuos sa inyo. Hindi ko palalampasin ang sinoman na nagpapatuloy sa kasalanan."
Tatanungin ko kayo: Paanong ang mga taong ito na lubus-lubusang pinagpala ay naisin ang manatili sa nakaririmarim na kalagayang ito? Inaasahan natin ang sanlibutan na maging mahalay, walang pigil sa kanilang pagpapatuloy sa kamunduhan, ngunit hindi ang bayan ng Diyos. Ngunit katunayan, ang ganitong kasalanan ay naglipanang kumakalat sa tahanan ng Diyos.
Tuwing Linggo, silang mga nagsasabing Kristiyano ay nagtitipun-tipon sa tahanan ng Diyos upang sumamba, makinig sa kanyang Salita, at buong kagalakang nagsasama-sama. Ngunit ang karamihan sa animo taong-banal na ito ay nangungunang mamuhay na punung-puno ng kamunduhan. Sila ay nakikiapid, patuloy sa pangangalunya, tinutustusan ang kanilang pagkasugapa sa pamamagitan ng pornograpiya. Sabihin nyo sa akin, paanong ang isang naliwanagang mananampalataya ang magpapatuloy na gumawa ng mga ganitong bagay?
Una, tingnan natin ang kapahayagan sa Pahayag 12. Sinasabi sa ating ang galit na galit na diyablo sa mga huling araw ay lulusob sa daigdig upang akitin ang bayan ng Diyos: "Ang diyablo ay bumaba sa inyo ng may malaking galit, sapagkat nalalaman niyang kaunti na lamang ang panahon niya. At ng makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalake. At ang ahas ay nagbuga sa kanyang bibig ng tubig na katulad ng isang baha upang tugisin ang babae, upang kanyang maipatangay ito sa pamamagitan ng baha" (Pahayag 12:12-15).
Ang mga talatang ito ay naglalarawan ng pagatake ni Satanas sa iglesya sa mga huling araw. Ang diyablo ay susuka ng karumihan na napakalawak at napakakapangyarihan, na tatangayin kahit na ang mga hinirang ng Diyos. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na ito ay nangyayari na sa kanila, sapagkat napakarami na ang natangay ng baha ng kahalayan ni Satanas.
Ngayon nga, ay naniniwala akong ang kahalayan ay nakakahawa't kumakalat na sa iglesya. Mula dito hanggang sa kabilang panig (ng bansa), milyun-milyong mga tao ang naglulublob ng kanilang sarili sa kalaswaang napakarumi. Kahit sa mga burol ng Kentucky, sa mga bukid ng Iowa, at mga rantso ng Idaho, ang mga tao sa iba't-ibang antas ng gulang ay binubusog ang kanilang kaluluwa ng batik na ito. Ito ay ipinadadaloy ng walang patid sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng satellite. Ang baha ng karumihan na ito ay naging napakalaganap, na kahit mga lola at lolo ay nagpapasasa sa ganito.
Aking ipinahayag ang nagaganap na ito sa aking 1974 na aklat, The Vision. Ito ay bago pa man magawa ang mga VCR, noong panahon na maging ang salitang pagtatalik ay hindi mo magamit sa TV. Ang isinulat ko ay ganito:
Paano ang gagawin ni Satanas upang mahapis at linlangin ang hinirang na bayan ng Diyos? Magagawa niya ito sa pamamagitan ng panghihikayat sa sangkatauhan at lumalang ng pagguho ng moralidad. Bubuksan niya ang mga pintuan ng impiyerno (hades) at magsisikap na bautismuhan ang sanlibutan sa kalaswaang napakarumi, batik at pagpapasasa sa kamunduhan. Ang pagguho ng moralidad na ito ay mahihigitan pa ang anumang bagay na maaring maiisip ng tao. Nangyayari na, ang maka-demonyong espiritu ng kamunduhan ay lumalaganap na sa mga bansa, nagdadala ng paghuhubad, pagpapasama at pagbaha ng karumihan.
Mayroong darating na pagpapaligo ng karumihan na magpapahinagpis sa isipan at kaluluwa ng pinakamatatapat na Kristiyano na nabubuhay sa ngayon. Sinasabi ng Bibliya na si Lot ay lubhang nahahapis gabi at araw sa mga bagay na kanyang nakikita at naririnig sa Sodom. Sa lalong madaling panahon ang mga Kristiyano ay malalantad sa napakabagsik na kalaswaan at kahalayan na nangangailangan ng matinding kapit sa Diyos upang makaligtas. Doon sa mga nasa bakod (ng alanganin) ay magpapatirapa sa kanilang mga mukha. Doon sa mga hindi pumasok sa daong ng kaligtasan ng Diyos ay matatangay palayo nitong baha ng karumihan.
Ang mga pangunahing himpilan ng TV ay matatangay sa ganitong pagguho. Hinuhulaan ko na susubukan ng mga himpilang ito na magpalabas ng mga programang hubad ang dibdib. Ang pagpapalabas ng hubad na dibdib ang pau-usohin ng mga taong gustong magbigay ng kalayaan sa sining ng palabas. Sa umpisa ito ay gagawin ayon sa tamang panlasa. Kapag ang samahan ng mga artista ay nagsama-sama sa pagbubunyi malaking kalayaang nakamit, ang mga bagay na humahadlang dito ay mabubuksan, at ang anumang nanaisin ay mangyayari. Kahit na ang mga mambabatas ay magbubunyi sa paghuhubad sa TV, at magsasabing ito ay mainam na pagpapaunlad. Nakakamangha, na ang magbabatikos laban dito ay hindi ang mga ministro at mga kilalang debotong Kristiyano, sa halip ay yaong nasa politika at mga nasa Hollywood mismo.
Makinig sa babalang ito, sa darating na panahon ang pinakamasama, X-rated, mahalay na pelikula ang ipapalabas sa cable pagkalampas ng hating-gabi. Ang Cable TV sa ngayon ang pinupuntiriya ng mga gumagawa ng bombang pelikula. Sa mga ilang siyudad sa United States, Canada at Europa, triple X-rated na pelikula ay mapapanood sa mga ilang hotel. Ang mga ito ay nanggagaling mula sa Sweden, Denmark at sa United States. Ang malalaswang pelikulang ito ay magpaphayag ng paghuhubad, pagtatalik, kabaklaan, paggamit ng hayop at may kalupitang pakikipagtalik.
Ang mga tao'y magbabayad upang ang mga malilibog na pelikulang ito ay dumaloy sa kanilang mga silid tanggapan...Ito'y ipapalabas sa pamamagitan ng electronic attachment, na magpapadaloy mismo sa kanilang mga tahanan. At ang ating mga tahanan ay tatawaging palasyo ng kaligayahan.
Isinulat ko ito 27 taon na ang nakaraan. Hindi lang ang bawat nakasulat dito ay nangyari, ito ay kumakalat na hindi mapigilan, maging sa iglesya.
Datapuwat karamihang Kristiyano na bumasa ng kapahayagang ito ay maaring magisip na ito ay hindi para sa kanila. Nagtataka silang, "Bakit ka susulat ng ganitong pahayag sa mga lingkod na hindi naman gumagawa ng anumang uri ng kahalayan? Ang kailangan natin ay ang tayo'y patatagin at papagtibayin."
Hayaan nyong ipaliwanag ko kung bakit sinulat ko ang babalang ito sa makadiyos, at matapat na mananampalataya:
Hindi ko isinulat ito para sa mga Kristiyanong mahilig sa kahalayan, maging ito ay sa TV, videos, o sa Internet. Subalit ang aking layunin ay upang suriin ninyo ang uri ng magandang balitang inyong pinanampalatayahan. Nasasangkot din dito ang iyong pangunawa sa kagandahang-loob ng Diyos. Gusto kong suriin ninyo kung ipapahintulot nyo sa inyong puso ang anomang lebadura ng bulaang katuruan sa kung ano ang pakahulugan sa kagandahang-loob ng Diyos. Higit sa lahat, maaring ang bagay na ito ay buhay o kamatayan.
Makikita nyo, na maaring ang diyablo ay hindi puspusan ang pagsilo sa iyo ng kahalayan. Maaring nalalaman niya na hindi ka niya maaring tuksuin ng mabigat na kasalanan. Subalit kung mababaluktot niya ang iyong pangunawa sa kagandahang-loob (ng Diyos) - kung magagawa niyang ipakita sa iyo ang kagandahang-loob (ng Diyos) ay siyang pasubali upang ipahintulot mo ang kahalayan - ito ang magiging panimula niya upang ibulid ka sa daan patungo sa pagkaalipin. Sa lalong madaling panahon ay gagawa ka ng mga bagay na hindi mo inaakalang magagawa mo. At ang pinakamasama, ay iaalok sa iyo ang kasinungalingang hindi masama kung ikaw ay magpatuloy sa iyong kamunduhan.
Sa ganitong kadahilanan, si Judas ay hindi na nagpaligoy-ligoy pa.Tuwirang niyang sinabi kaagad kung bakit napakaraming simbahan ang naaanod sa baha ng kahalayan ng diyablo: "Sapagkat may ilang taong nagsipasok ng lihim ...mga masamang tao, na ibinaling sa kahalayan ang kagandahang-loob ng ating Diyos, na itinatatuwa ang tanging Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Hesus" (Judas 1:4). Dito sa isang talatang ito, isiniwalat ni Judas ang buong hangarin ni Satanas na linlangin ang mga hinirang ng Diyos. Ang diyablo ay may paglilinlang na magdadala ng sari-saring ministro sa iglesya upang baluktutin ang magandang balitang kagandahang-loob (ng Diyos).
Datapuwat, kung totoong may tamang pangunawa ka sa kagandahang-loob (ng Diyos) na ayon sa bibliya, hindi ka malilinlang ng kaaway. Hindi ka niya magagawang akitin sa kahalayan. Ano ba talaga ang kagandahang-loob (ng Diyos) na makatotohanang ayon sa bibliya?
"Sapagkat inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao, nagtuturo na dapat nating talikdan ang kasamaan at damdaming makalaman, upang mamuhay tayo ng maayos, matuwid at maka-Diyos, sa panahong ito; samantalang hinihintay natin ang dakilang pagasa na ating inaasahan, ang maningning na paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo (Tito 2:11-13).
Ang talatang ito ay nagpapahayag ng dalawang katangian na palaging bunga ng kagandahang-loob na ayon sa bibliya sa buhay ng mananampalataya. 1. Ang pag-aabang at pagnanasa sa pagbabalik ng Panginoon, at 2. maka-Diyos na pagkatakot at banal na pag-galang para sa Panginoon. Ang dalawang bungang ito na gawa ng kagandahang-loob ay hindi mapaghihiwalay. Hindi tayo maaring magtaglay ng isa lang sa dalawa.
Hinihimok tayo ng may akda ng Hebreo, "Magkaroon tayo ng kagandahang-loob na sa pamamagitan nito ay maging kalugod-lugod ang ating paglingkod sa Diyos na may pag-galang at banal na pagkatakot" (Hebreo 12:28). Ang talatang ito ay matuwid na naguugnay sa kagandahang-loob at sa pag-galang. Sa madaling salita, ang paggalang ay isang pahayag ng Diyos at napapaloob dito ang pagkamanghang may takot, respeto, at pagkamahinahon.
Iniuugnay ng apostoles na si Pedro ang kagandahang-loob sa matiwasay na kaloobang pag-galang: "Kaya nga ihanda ninyo ang inyong isipan, matiwasay ang kalooban, at inyong ilagak ng lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesu-Cristo" (1 Pedro 1:13).Hindi tayo hinihimok ni Pedro na maganyong malungkot o patuloy tayong lumakad ng walang kagalakan. Ang salungat dito ang ipinahahayag niya, ito ay ang pag-galang na nagdudulot ng tunay na kagalakan sa puso. Kung baga ay ganito ang sinasabi niya, "Kung ikaw ay may kapahayagan ng kagandahang-loob ni Jesus - ng kanyang pagibig, kabanalan at kagandahan - ito ay magdudulot sa inyo ng pagkamangha at pag-galang."
Ngayon, noong sinabi ni Judas na may mga masamang taong manghihimasok sa iglesya, ang salitang masama na ginamit niya ay nangangahulugang "mga taong walang pag-galang. Sa madaling salita, ang mga gurong ito ay magdadala ng walang kabuluhang kahambugan at katatawanan sa tahanan ng Diyos. Susubukan nilang pilipitin at baluktutin ang lahat ng takot na may pag-galang sa mga bagay na nauukol sa Panginoon.
Nagpahayag ng ganito si Jeremias tungkol sa mga masasamang taong ito, "Narito, ako ay laban sa kanila...sabi ng Panginoon...na nagliligaw sa aking bayan sa pamamagitan ng kanilang kasinungalingan, at ng kanilang walang kabuluhang kahambugan" (Jeremias 23:32). Ang salitang walang kabuluhang kahambugan sa talatang ito ay nangangahulugang itoy isang parang bula o pang loloko. Sinasabi ni Jeremias na "Ang mga huwad na mga gurong ito ay pinagtatawanan ang mga bagay na dapat ay iginagalang, nirerespeto at suriin ng may pagkamanghang takot. Kinukutyaan nila ang katiwasayan ng loob na dulot ng tunay na pagsamba sa Panginoon."
Ano ang layunin ng diyablo sa pagpapadala ng espiritu ng walang kabuluhang kahambugan? Ito ay para paniwalain kayo na ang Panginoon ay hindi seryoso sa kasalanan. Ang gusto ni Satanas ay isipin nyong hindi marunong magalit ang Diyos, na ang kagandahang-loob niya ang mangingibabaw sa lahat ng makatarungang paghatol. Kaya nga kung minsan ay maririnig ninyong bumubulong ang kaaway na, "Huwag mong ipasubali ang inyong kamunduhan. May lubus-lubusang awa at kapatawaran mula sa Panginoon."
Sinabi ni Pablo na lahat ng masamang ministrong ito "ay ginagamit ang katotohanan sa kalikuan" (Roma 1:18). Ang ibig sabihin nito'y, nalalaman nila ang katotohanan at natikman nila ito. Sila ay pinagtibay at binigyan ng babala nito."Sapagkat inihayag ito sa kanila ng Diyos" (1:19). Datapuwat, sa kabila ng paagpapalang nakamit sa katotohanan ng Diyos, tinalikdan nila ang mga ito. Ayaw nilang talikdan ang gawi nilang kahalayan at sa halip ay nagparaya ang kanilang mga sarili sa kanilang mga kamunduhan. Gayundin naman, pinabayaan sila ng Diyos na patuloy silang malulong sa kapalaluan ng kanilang kasalanan.
Noong isaysay ni Judas na "ibinaling ang kagandahang-loob ng ating Diyos ng kahalayan" (Judas 1:4) ang salitang ibinaling dito ay nangangahulugang binago, ito ay dinagdagan. Ito ay galing sa salitang-ugat na ang kahulugan ay siilin ang katotohanan, ito nga ay upang ihain ang katotohanan sa alabok at gawin itong walang bisa. Sa madaling salita, ang kagandahang-loob ng Diyos ay minsan isang matuwid at mabisa sa buhay ng mga masamang taong ito. Ngunit dahil sa ayaw nilang talikdan ang kanilang kasalanan, inilatag nila ang katotohanan at ito ay kanilang inapak-apakan, nawalang kabuluhan ang lahat ng kahulugan at kapangyarihan nito. Katulad ng sigaw ni Isaias, "Ang katotohanan ay nahulog sa lansangan...Oo, ang katotohanan ay nagkulang" (Isaias 59:14-15).
Ang katotohanang galing sa Diyos ay nakita kong itinuturing sa ganitong paraan sa buong iglesya ngayon. Kamakailan ay pinanood ko ang videotape galing sa isang hanap-kaibigang iglesya na kung saan ay nagdaos ng "Gabi ni David Lettermen." Inilista ng pastor ang sampung dahilan kung bakit ang mga bata ay nababagot sa simbahan. May mga ilang bagay siyang isinulat na napakahangal, na napakalayo doon sa tunay na ugali ni Cristo, na hindi ko kayang sambitin ulit. Ngunit ang bawat isa sa kapisanan ay nagtatawanan at nagpapalakpakan. Ang pastor na ito ay ibinaling ang magandang balita ng kagandhang-loob (ng Diyos) at ginawang isang katatawanan lamang. Sa mapanlinlang na pagbabaluktot sa kahulugan nito, iwinawaksi niya ito sa lupa at pinawawalang-bisa ang kapangyarihan nito.
Maaring magtaka kayo: Saan kaya nanggaling ang mga masamang ministrong ito? Paano sila naging kabahagi ng simbahan upang baluktutin ang kahulugan ng kagandahang-loob ng Diyos. Pinili ba sila ng diyablo doon sa ilang maruming sinehan ng porno at damitan sila na katulad ng isang anghel ng liwanag? O di kaya,ang mga ito ay mga taong naniniwalang walang Diyos na nagkukunyaring isang mangangaral at nagpahanga ng karunungan upang ito ang maging daan nila sa pulpito?
Hindi. Sinabi ni Paul sa ganitong mga tao, "Ipinahayag ng Diyos ang katotohanan sa kanila" (tingnan sa Roma 1:19). Noong una, nalalaman ng mga taong ito ang buong kahulugan ng kagandahang-loob (ng Diyos). Subalit sa kung anong kaparaanan, sila ay naging sugapa sa hindi nila matalikurang masamang-pita ng laman. Dito sa puntong ito, ay sinimulan nilang panghawakan ang katotohanan sa hindi makatuwirang (paraan). Nagiimbento sila ng huwad na kagandahang-loob upang mabigyang-daan ang kanilang kahalayan. At ngayon ay kanilang ipinangangaral ang huwad na Kristo, ayon sa baluktot na kahulugan ng kagandahang-loob (ng Diyos).
Tinawag ni Judas ang mga masamang ministrong ito na "mga taong may maruming pangitain na dumudungis ng laman, humahamak sa may kapangyarihan at nilalait ang mga pinunong nanunungkulan"(Judas 1:8). Kung ating ihahambing, akoy naniniwala na ng karamihan sa mga taong bumabasa ng mensaheng ito ay may takot sa Diyos, masunuring mga lingkod. Hindi sila nagtatampisaw sa putikan. Kanilang tinalikdan ang kahalayan, at lumalakad sa kagandahang-loob (ng Diyos) na nauuwi sa kabanalan.
Akoy naniniwala din na may ilang bumabasa nito ay nakikipagbono sa tinatawag kong "panandaliang-pagkalimot sa kamunduhan o kahalayan." Ang mga Kristiyanong ito'y hindi isinuko ang kanilang mga sarili sa kamunduhan, ngunit gumagawa sila paminsan-minsan ng pakikipagtagpo sa isang bagay na may karumihan. Makikita natin ang halimbawa nito sa ulat ng mga hotel na dalubhasa sa pang-maramihang pagpupulong. Sinasabi ng ulat na ang pinakamaraming bilang ng paupahang pelikulang porno na pinadadaloy sa bawat silid ay tuwing nagdaraos ng pagpupulong ukol sa relihyon. Sa katunayan, mas maraming pelikulang porno ang pinadadaloy sa bawat silid tuwing magdaraos ng pagpupulong ng iglesya kaysa tuwing magdaraos ng mga ibang uri ng pagpupulong dito.
Napagtanto ko na maraming ministro at manggagawang Kristiyano ang may pagkasugapa sa isang uri ng masamang pita (ng laman). Sa mga kinapanayam na mga pastor ay nagpapakitang ito ay talagang totoo. Datapuwat, ako ay naniniwala na marami sa ganitong mananampalataya ay kalimitang sinasalot ng panandaliang-pagkalimot sa kamunduhan o kahalayan. Sa bawat paggawa, nararamdaman ng mga nakikipagbonong lingkod na ito ang kabigatan ng kanilang nagawang kasalanan at sila ay nagsisi at tinalikdan ito. Higit pa dito, nais nilang makaligtas dito sa paminsan-minsang panandaliang-pagkalimot.
Nais ko ngayong bigyan ng pansin ang mga ganitong Kristiyano: Nabatid ni Satanas na ikaw ay tatangis sa Diyos tuwing ikaw ay magkakasala. At nalalaman niyang palagi mong matatanggap ang kapatawaran ng Diyos. Habang ikaw ay may natitira pang takot sa Diyos sa iyong puso, hindi ka niya maaring igapos sa anumang masamang pita (ng laman) o kasalanan. Paano nga ba ang ginagawa ng kaaway upang ang kinahinatnan ng bayan ng Diyos ay ang pagka-alipin nito? Paano niya pinasasanib ang mga taong nakauunawa sa tunay na kagandahang-loob (ng Diyos), gayakan sila ng huwad na magandang balita, at isugo sila sa mga iglesya upang subukang dayain ang mga hinirang?
Ang tanging paraan upang itali ka ng diyablo ay sa pamamagitan ng pagbenta sa iyo ng kasinungalingan. Sa madaling salita, dapat mapaniwala ka niyang ang kanyang kasinungalingan ay sa katunayan ang siyang katotohanan. At kalimitang ginagawa niya ito sa pamamagitan ng paghimok sa mga Kristiyano na maari pa rin nilang panghawakan ang katotohanan ng Diyos habang nagpapatuloy sila sa kasalanan. Maaring tumutol ka ng ganito, "Paano ba mahihimok ni Satanas ang isang masugid na Kristiyano na ayos lang kung magkasala tayo? Hinding-hindi ako maniniwalang palalampasin o ipagpapaumanhin ng Diyos ang aking kasalanan."
Ibinibenta ni Satanas ang kayang kasinungalingan sa pamamagitan ng pagpapaniwalain ang mga Kristiyano na ang kagandahang-loob (ng Diyos) ay talaga lamang na isang walang-hanggang ilog ng kapatawaran. Bumubulong siya sa atin, "Maari kang paulit-ulit na bumalik sa iyong kasalana, kung palagi kang bumabalik sa altar. Hindi ba sinabi ni Jesus na dapat nating patawarin ang iba ng 490 beses? Siguradong ang mapagmahal mong Tagapagligtas ay patatawarin ka ng mas maraming ulit kaysa dito. Habang ikaw ay may pusong nagtitika at patuloy na namamanglaw sa iyong kasalanan, ayos ka lang. Maari kang magpatuloy sa iyong masamang-pita (ng laman) ng makaisang-libong beses at siya'y laging handang magpatawad sa iyo tuwing ikaw ay magkakasala."
Ang himig nito'y napakalapit sa katotohanan. Tunay nga, walang hanggan ang kapatawaran ng Diyos doon sa lumalapit sa kanya na totoong nagtitika ang puso. Kaya nga ang salaysaying ito, ang 95 bahagi ay magandang balita. Subalit, ang 5 bahaging kasinungalingan ay purong lason. At ang kahina-hinatnan ay kapahamakan ng iyong kaluluwa. Ang "5 bahaging kasinungalingan ni Satanas" tungkol sa kagandahang-loob (ng Diyos) ay makademonyong lebadura na sumisira sa buong tinapay.
Maaring iyong iniisip, "Ako ay pupunta sa iglesya na kung saan ang makaDiyos na pastor ay mangangaral ng buong-buong salitang ayon sa bibliya. Wala akong nakikilalang ministro na bumabaluktot sa magandang balitang kagandahang-loob (ng Diyod) upang magpapahiwatig ng kahalayan. Ang mga aral na aking narinig ay tungkol sa Bagong Tipang kagandahang-loob, at ang habag ng Diyos doon sa mga nakikibaka. Natutunan ko, na kahit ako ay walang kapangyarihan sa aking laman upang magwagi sa kasalanan, ang Espiritu ng Diyos ang magbibigay ng kapangyarihan sa akin upang makasunod ako sa kanyang Salita."
Napanghawakan mo ang kagila-gilalas na magpalaya, makapagbagong-buhay na katotohanan. Datapuwat, kung makikita ni Satanas na ikaw ay nakakalimot paminsan-minsan sa kahalayano kamunduhan, matutunan niya na may pagnanasa ka pa sa iyong kasalanan. Malalaman niya na hindi mo talagang makalaya. Higit pa, dahil nagpapatuloy ka sa iyong kasalanan, binigyan mo siya ng pintuan sa iyong isipan. Igigiit niya sa iyo ang isang nakamamatay na pagpilipit ng katotohanan na ang himig ay kagaya nito:
"Hindi ba't ang katotohanan ay kagila-gilalas magpalaya? Sa inyong sarili, wala kayong kapangyarihan upang paglabanan ang kasalanan. Kaya ipinangako ng Diyos na isugo ang Banal na Espiritu upang siya ang gumawa ng hindi n'yo kayang gawin. Ang dapat n'yo lamang gawin ay maglumbay kayo at ang panandaliang pagkalimot n'yo ay bale wala lang. Nalalaman ng Banal na Espiritu kung kailan siya papasok at palakasin kayo. Tunay ngang hindi ka dapat hatulan sa kasalanang hindi mo kayang paglabanan."
Nakikita n'yo ba ang isiningit na kasinungalingan dito sa magandang balitang kagandahang-loob (ng Diyos)? Ito ay ang kasinungalingan, na ang Kristiyano ay walang pansariling pananagutan sa kanilang kasalanan. At ito ay natutungo sa pagsisi sa Diyos dahil sa kanilang kasalanan. Sasabihin mong, "Bakit hindi dumating ang Banal na Espiritu noong ako ay natutukso? Hinihintay ko siyang palakasin niya ako, ngunit hindi siya nagpakita. Kaya nga ako ay bumigay sa kamunduhan. Hindi ko pagkakamali ito."
Ang katotohanan, ay kung ayaw mong mapalaya ka sa iyong masamang-pita (ng laman), tatanggapin mo ang kaloob ng Diyos na kagandahang-loob at tatakbo kang dala mo ito patungo sa kasalanan. Ngunit binanghay ni Pablo ang panlilinlang ng ganitong kaisipan: "Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob (ng Diyos)? Huwag nawang mangyari" (Roma 6:1-2)
Salamat sa Diyos, binigyan tayo ni Judas ng tatlong alituntuning-gabay laban sa mapangaakit na kasinungalingan ni Satanas patungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Isinulat ni Judas, "Ngunit kayo, mga minamahal, papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, manalangin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, magsipanatili kayo sa pagibig ng Diyos habang nakatanaw sa habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan" (Judas 1:20-21). Bigyang pansin ang tatlong bagay sa talatang ito:
- Dapat nating patatagin ang ating pananampalataya. Papaano? Sa pamamagitan ng masigasig na pagaaral ng Salita ng Diyos. Datapuwat, ang pananamapalataya ay hindi lamang dumarating sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, ngunit sa pamamagitan ng pagdingig - o, paggawa - kung ano ang binasa. Dapat nating basahin ang Salita ng Diyos, gawin ng buong puso ang mga ito, at tanggapin ang pagsansala nito. Ito ay magdudulot sa atin ng kahinahunang espirituwal. Pagkatapos, kahit na anong uri ng katuruan ang marinig nating ipinangangaral, hindi tayo padadala sa kasinungalingan o walang kabuluhang paghambog ng sinumang tao.
- Dapat tayong manalangin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang ibig sabihin nito ay hindi lamang tayo nananalangin sa loob ng iglesya, kundi sa pamamagitan ng pagkulong ng ating sarili kasama ng Panginoon sa ating silid. Hihilingin natin sa Diyos na silayan tayo ng kanyang liwanag sa ating puso at tanggapin ang pagtutuwid niya sa atin, upang makamit natin ang biyayang kagandahang-loob sa anumang kakulangan natin.
- Dapat wala tayong ikabalisa, at sa halip ay tumanaw tayo sa pagbabalik ng Panginoon. Kung nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos at nananalangin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, talagang hindi natin mapipigilan kundi ang tumanaw tayo kay Jesus, sa kanyang biglaang padating. Nalalaman natin na ang mundong ito ay hindi natin tahanan, at ating inaasam na babalikan tayo ng ating Panginoon sa anumang sandali.
Kung ginagawa n'yo ang talong alituntuning-gabay na ito, dito nyo mauunawaan ang tunay na kagandahang-loob (ng Diyos). At hindi kayo maaakit sa kamunduhan ng anumang baluktot na kahulugang pangangaral ng kagandahang-loob (ng Diyos). Binigyan tayo ng katiyakan ng Diyos sa kanyang tipan: "Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong espiritu...At aking...palalakarin kayo ng ayon sa aking palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan at isasagawa ito" (Ezekiel 36:26-27). Ipinangako ng Diyos na ilalagay niya ang kanyang Espiritu sa atin, na siyang magbibigay kalakasan sa atin upang ating masunod ang lahat ng bagay ipagagawa ng Panginoon.
Subalit, nilagyan ng pasubali ng Diyos ang pangakong ito. Sinabi niyang, "Akong Panginoon ang nagsalita nito, at ito'y aking gagawin. Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos; ang lahat ng ito'y dapat isangguni ng sambahayang Israel sa akin, upang gawin ko ito sa kanila" (36:36-37).
Nandito pumapasok ang ating pansariling katungkulan. Hindi tayo dapat mamumhay ng nagpapasubli, laging nagaabang na magpakita ang Banal na Espiritu tuwing tayo ay matutukso. Ang ating gawain ay patuloy tayong lumapit sa Panginoon, ito nga, ay ang lagi taong manananalangin. Sinasabi niya sa atin,"Kung tunay ngang nais mo ng kapangyarihan upang maigupo ang kasalanan, kailangan mong hanapin ito sa akin. Kung ikaw ay lalapit sa akin ng buong puso, tunay kang magsisikap (na ako'y makita), aking tutupdin lahat ng pangako ko sa aking tipan sa iyong buhay."
Ang bawat isa sa atin, sa ating kalooban, ay may kakayanan upang manalangin, magbasa ng Salita ng Diyos, at ituon ang pananaw sa malapit na pagdating ni Jesus. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, ipinahayag ni Judas, na aanihin natin ang pagpapala nitong panalanging ito: "Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo matisod, at may malaking kagalakang makapaghaharap sa inyo ng walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian" (Judas 1:24).